Tuesday, October 6, 2015

Modus Pamamalimos!

Piso na lang tulog na ako. Pero di pa man nakakalayo ang jeep na sinasakyan ay naalimpungatan na ako. Dalawang batang kumakanta. Masarap pakinggan. Di ko lang naiintindihan. 
Habang kumakanta ang mga nasa edad 5 na si Nene nag-aabot naman ng sobre ang kuya niyang si Totoy. O kuya niya nga ba talaga o ka-tandem lang.

Halos lahat deadma. Si ate sa harap busy sa pag-i-FB. Si Kuya naman sa gilid ay sobrang pokus sa pagsi-COC. Papaos na si Nene pero wala pa ring naglagay sa mga sobre hanggang sa naawa si Ate na katabi ko at nagbigay ng maraming barya. Ayun solve  at bumaba na ang dalawang bata.

Bigla akong dinalaw ni Mr. Guilt. “It’s always better to give than to receive”, ika nga ng Nanay ko. Pero hanggang kailan ka pwedeng magbigay? Hanggang kailan ka magpapaloko? Biglang sumagi sa akin. Ang galing na ng namamalimos ngayon. Uniform ang Airmail  na sobre na pinapamigay para paglagyan ng pera. Improb kamu. Dati lata lata lang pinapasa eh.

Kahapon lang habang inip na inip ako sa pagpila ng jeep ay may isang mamang lumapit sa lahat ng nakapila para humingi ng tulong sa kanyang anak. Sa labas ng sobreng puti ay larawan ng anak niya (o kanino mang bata siguro) at iilang gamot na maintenance daw. Napabigay ako ng limang piso kasi nasa St. Luke’s daw ang anak niya. Pag-alis ng Mama, napaisip ako. Bakit sa St Luke’s niya dinala?

Feeling ko nayari na naman ako. Ilang beses ko nang sinabi sa sarili ko di ako magpapayari. Peksman! Minsan kasi may lumapit sa aking babae. Humihingi ng P20 pamasahe daw pauwing Cubao. Di ko din naman ma-imagine paglakarin siya mula Makati hanggang Cubao kaya napaabot na ako sabay alis. Nung bumalik ako, andun pa rin yung babae, nanghihingi ulit ng bente sa halos lahat ng dumaan. Tinitigan ko siya at napailing sabay sabing, “Nice one ate”.

Kasabay ng pagbulusok ng teknolohiya ay ang pag-level up din ng taktika sa pamamalimos. Nung bata ako, kahit magkano lang pwede na sa lata. Hanggang sa pag nagbigay ng piso halos ibabato sayo pabalik. Kung magbigay ka din ng pagkain, gusto pera nalang. Ngayon pag nagbigay ka ng pera, sila pa ang nagsasabi ng minimum. Hanep!

Yung iba naman, may talaga pag rumaket. May megaphone na, may death certificate pa. Familiar? Na try niyo na ba mabigyan ng sobre sa bus bilang tulong daw sa pagpapalibing sa tatay, nanay, anak, kapatid o kung sino mang Poncio Pilato? Tapos nakangiti na kapag kolektahan na ng sobre. Pasalamat speech sabay baba at aakyat na naman sa ibang bus.

Nasubukan na ito ni Porito, officemate ko. Si Kuya humihingi ng tulong para sa tatay niyang namatay. May death certificate pa bilang patunay. Makalipas ang mahigit isang buwan, si Kuya na naman ang nakita niyang humingi ng tulong para sa tatay niyang namatay. Yung totoo, ilan ba talaga tatay mo Kuya?

Usapang modus limos na rin lang, banggitin ko na rin yung mga batang namamalimos sa daan at sa mga overpass. Kawawa na nakakaasar. At lalong maasar ka kapag narinig mo ang sa wari ko’y magulang na pinapagalitan ang anak dahil ‘yun lang daw ang koleksyon niya. Wow ate, child labor na nga, nagagalit pa!

Kung may bata, syempre may pang matanda din.  Araw-araw nagtataka ako paano nakakauwi yung matandang Mama at nakakabalik. Para bagang may duty hours lang. Minsan isang gabi, di ko alam kung sobra lang akong pagod pero may nakita akong lalaking naka itim kaharap nung Mama. Di ko alam kung binabraso niya ng barya o anuman pero mukhang may hatiang naganap. Nakow!

Maaaring tayo ang biktima nila. Maaaring biktima lang din sila…

You may also like
Ambisyusa!
How to Spend Leisure Time Productively
Nganong Lisod Kaayo Muingon ug No

No comments:

Post a Comment